Wednesday, July 11, 2007

Impyerno sa Langit


May Impyerno nga ba sa langit? Tumatakbong napatanong ni Tim, isang 17 taong gulang na bata may patpating katawan, malungkot na mga mata at maputing balat.

Napaisip si Tim sa tanong na ito matapos sumama ng lubos ang kanyang loob sa mga pangyayari sa kanyang paligid, ang mga nararanasan niyang pag-aaway ng mga tao, kaguluhan ng kanyang paligid, at mga hirap at sakit na natatamo niya sa kanyang tinitirahan. Madalas rin kasing banggitin sa kanya noong bata pa lamang siya ang mga katagang ito, “Impyerno sa Langit”, dahil na rin siguro sa kahirapan ng buhay nila. Ngayong sobrang bigat rin ng kanyang damdamin, naisip niya muli ito, “May impyerno nga ba sa langit?” paulit na patanong ni Tim habang sumisinghot ng sipon at paupong napatigil sa isang kanto. “ May impyerno nga ba talaga sa langit?” pasigaw na tanong ni Tim habang unti-unting tumutulo ang kanyang luha sa kanyang malulungkot na mga mata. “Kung may impyerno nga talaga sa langit, eh ayaw ko ng mapuntang langit, parehas lang naman pala dito eh! Mala impyerno rin” pasigaw na pasalita ni Tim. Buti na lang at nasa lilib na bahagi sila ng kanyang baryo. Walang nakaririnig sa mga daing niya. Maaari niyang mailabas ang lahat ng kanyang mga nararamdaman.

Bandang alas dose na yun ng gabi, malamig ang ihip ng hangin, mabasabasa ang kapaligiran at nagbabadya ang isang malakas na bagyo. Tumakbo si Tim palayo sa kanyang tinitirahan kasi di na niya maatim ang mga pangyayari dito Hirap na hirap na ang kalooban niya. Lungkot na lungkot na siya. “Tulong! Tulong! Kailangan ko ng tulong… Poon ko anjan ka bang talaga? Bakit ang sakit, ang bigat hindi ko na kaya ito! Nasa impyerno na bang talaga ako! Malungkot na daing ni Tim habang tumutulo ang luha at nanginginig sa lamig.

Ang hirap ng nararamdaman niyang buhay. Walang makain sa mesa, kung minsan ay isang pirasong tinapay lang at isang tasang kape sa buong magdamag. Hirap ang kalooban niyang nakikitang nahihirapan ang kanyang nanay at mga kapatid habang ang kanyang itay naman ay winawaldas ang pera na dapat ay ginagamit nilang pangkain. Ngunit wala siyang magawa, wala, sadyang ang hirap lang kasi ng kanilang buhay. At kinalaunan pa ay namatay ang kanyang kapatid dahil sa pulmunya at sa gutom, sadya kasing mahina ang katawan ng kanilang pamilya lalo na ang kanilang baga. Isang malaking dagok ito para sa kanila. Dinamdam ito ng lubos ng kanyang ina. Grabeng lungkot ang naramdaman nito. Umaga’t gabi, nakatitig lang sa pader, hindi nagsasalita at pilit na inaalala ang kanyang anak na naglaho na. Nagkaaway rin sila ng kanyang ama at dahil dito, napilitan siyang lumayo muna sa kanila at mapag – isa. Magmukmok at mag-isipisip tungkol sa buhay.

Iniisip niya ang lahat ng ito at bigla na lang siyang napasigaw “Ayoko na! Hindi ko na kaya ito! Ayoko ng mabuhay pa sa mundo!”

Habang siya ay nagmumukmok ay biglang… tik,tik,tik… sshhh, sshhh, wooosh, wooosh. Ang lakas ng hangin, ang lakas at laki ng mga butil ng tubig ulan. “Nariyan na ang bagyo” sabi ni Tim sa kanyang sarili ngunit hindi pa rin siya kumilos sa kinauupuan. “Diyos, ikaw ba yan? Talaga bang gusto mo na kong mawala?!” sumbat ni Tim. “Kung totoo ka nga, magpakita ka sa akin, sagutin mo ko! Kausapin mo ko!!! Sabihin mo sa harap ko ngayon na walang Impyerno sa langit.” pagalit na sigaw ni Tim. Ngunit… walang nangyari. Lalo lang lumakas at tumindi ang pagharabas ng hangin at pagbuhos ng tubig mula sa langit. At si Tim… wala rin. Patuloy na nagmumukmok habang umuubo at nanginginig sa lamig na dulot ng panahon. Nagtagal ang ulan ng ilang oras ngunit hindi pa rin siya kumilos sa kanyang kinalalagyan, mistulang naghihintay sa kung ano, marahil ang pagasa at lakas ng loob para makabalik sa kanyang buhay ngunit parang hindi na ito dadating pa.

Tumigil na rin sa wakas ang ulan. Humangin ng napakalakas ngunit hindi pa rin kumilos si Tim sa kanyang kinauupuan. Nararamdaman na niyang nanghihina na siya, nanginginig siya sa lamig, ubo, ubo, ubo, mistulang asong kahol ng kahol. Inaapoy na siya sa lagnat. Alam niya ito ngunit ayaw pa rin niyang kumilos at gumawa ng paraan. Mistulang naglaho na ang kanyang pag-asa at nais na mabuhay pa at harapin muli ang mga sakit sa buhay. Ilang sandali pa ay… tok, tok, tok. May papalapit sa kanya…. Tok, tok, tok, ito ay tumigil bigla. “Sino yan?” sigaw ni Tim. “Ako ito” sagot ng boses, “si Jhun” “Sinong Jhun?” banat ni Tim. “Anong ginagawa mo riyan?” “Ha ginagawa ko? Eh may narinig kasi akong sumisigaw at umiiyak naisipan kong puntahan at tingnan. Tiga riyan lang ako sa kabilang kanto kaya narinig ko ito.” Sagot ni Jhun. “Maaari ba kitang tabihan?” mahinahon na tanong ni Jhun.” “Ok lang, para rin makita kita .” sagot ni Tim.

Lumapit si Jhun sa nanginginig na si Tim at sinalat ang noo, “Aray! Ang init mo na ah!!! Doon ka muna sa amin, gagamutin kita.” Alok ni Jhun ngunit umiling lamang si Tim na nagpapahiwatig na masgusto niya rito. Walang nagawa si Jhun kundi ang tabihan na lamang si Tim upang maski papaano ay mainitan ang katawan nito.

“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong ni Jhun. “Ha? Gusto ko lang kasing mapagisa at lumayo… at makalimot na rin.” Sagot ni Tim. “Ayos lang bang andito ko?” tanong muli ni Jhun. Tumango si Tim na parang nagsasabi sige bahala ka. Pagkatapos nito ay nanahimik ang kapaligiran na mistulang tumigil ang lahat dahil sa sobrang katahimikan. Pagkalipas ng ilang sandali ng katahimikan nagsalita na rin si Tim at kinuwento ang mga pasanin niya sa buhay. Mataimtim na nakinig si Jhun hanggang biglang naitanong ito ni Tim “Naniniwala ka ba sa langit?” “Oo naman” sagot ni Jhun “Totoo bang” tanong muli ni Tim “na may Impyerno kahit na sa langit?” Nagulat si Jhun sa mga narinig at sinabi, “Sino naman nagsabi sa’yo niyan?” “Madalas kasi itong banggitin sa akin nung bata pa lamang ako. At tuwing sinasabi kong masarap siguro sa langit bigla nilang binabanat at sinasabi ang mga katagang ito: ‘Langit, gusto mong mapuntang langit? Heh kung ako sa iyo ay ititigil ko na ang kahibangan mong iyan, hindi na ko aasa pa. Kung may langit man ay mistulang impyerno rin dun. Pagmasdan mo na lang ang buhay natin dito sa mundo. Walang magawa ang Diyos. Mahirap pa rin tayo! Mistulang Impyernong buhay!’ at dahil dito tinapon ko na ang paniniwala ko sa langit” sagot ni Tim. Napanganga at napatahimik si Jhun sa mga narinig at sinabi “Hindi ko rin kayang sagutin ang tanong mo eh. Pero alam kong may langit! Sigurado ko dun, andun na nga ang nanay ko ngayon eh! Hindi ko lang alam kung pati sa langit ay may impyerno rin. Sa tono ng pananalita mo kanina, mistulang wala ka ng inaasahang mabuti. Pero tandaan mo ang mga sasabihin ko sa’yo. Mas magandang umasa ka sa wala kaysa sa wala kang asahan. Kasi kung umasa ka sa wala, yung wala maaari pang magkaroon ngunit kung wala ka namang pag-asa, wala ng mangyayari sa’yo. Wala na yun eh!” “Salamat, napakabuti mo.” Nanghihinang sabi ni Tim. “Wag kang magalala, sasamahan kita dito hindi kita iiwanan, basta umasa ka lang at wag kang mawalan ng loob.” Sabi ni Jhun kasabay ang pagtulo ng luha sa mga mata. “Salamat sa Diyos, hindi niya ako pinabayaan. Hindi niya ako iniwanan.” Sabi ni Tim na tila nagdidiliryo na. Napayakap si Jhun sa nanginginig na si Tim na para itong tunay niyang kapatid at sinabi “Basta, umasa ka lang sa kanya, hindi ka niya iiwanan. Bibigyan ka niya ng ginhawa.” Umagos ang luha ni Jhun habang sinasabi “Salamat at nakilalakita” Sumagot si Tim, nanginginig sa lamig, mahina na ang boses at sinabi “ Salamat kaibigan, nakita ko ang Diyos sa iyo. Kung may impyerno man sa langit ngunit katabi ko naman ang Diyos at ang lahat doon ay katulad mo, handa na kong pumunta doon ngayon, hindi na ko natatakot at nagdadalawang isip pa. Umaasa na ko…” Natumba siyang nakangiti, pumikit ang mga mata at tumulo ang huling patak ng luha.

1 comment:

Anonymous said...

Hi! Can you make us script or story line of that title " impyerno sa langit" consisting of five characters. Thank you!